October 23, 2013

EXPLORING BANGKOK DAY 1

Para sa post na ito, gagamit ako ng Tagalog...kung bakit ay malalaman niyo sa pagbasa niyo sa post ko.

Noong nakaraang Oktubre 10, 2013 umalis ako kasama ang kaibigan at dati kong katrabaho na si Rose papuntang Bangkok, Thailand. Halos isang taon din ang hinintay namin simula nang mai-book namin ito sa Cebu Pacific.

Pasado alas-diyes ng gabi na kami nakalipad dahil nagkaroon ng konting delay. Nakarating kami sa Bangkok mga bandang ala-una na ng madaling araw.


SI ROSE AT AKO
ANG LUGAW NG TAPA KING

Hindi ito ang unang beses na nakapunta ako sa bansang Thailand pero ito ang unang tapak ko sa Bangkok dahil noong 2007 sa Phuket, Thailand ako nagpunta.

Sa airport pa lang, namangha na ako. Malayong-malayo sa itsura, pagiging moderno at pagiging malinis kumpara sa airport natin sa Pilipinas.



Dahil lagpas alas-dose na ng hatinggabi, hindi na kami pwede sumakay ng train papunta sa hotel namin. Wala kaming choice ni Rose kung hindi mag-taxi. Ang sa wari ko, parang nasa malayong lugar or bandang probinsya ang airport ng Thailand kasi dumaan kami ng expressway. Siguro para iwas traffic sa mga paalis at parating ng Thailand.

Sa isang backpacker hostel lang kami tumuloy ni Rose kasi nga nagtitipid kami at saka hindi naman ganon kapraktikal gumastos ng malaking halaga para sa isang kwarto na tutulugan mo lang naman di ba? ETZzzz Hostel ang pangalan ng hostel na tinuluyan namin. Maayos naman siya at malinis. Isang bukod na kwarto ang kinuha namin ni Rose para sa aming dalawa pero meron din namang dorm type kung mas nagtitipid ka talaga. Cute din ang interior. may rooftop pa kung saan pwede ka tumambay, uminom at magyosi. May common area din para sa mga hindi nagyoyosi.



Kinabukasan, maaga kami gumising ni Rose. Siyempre pareho kaming excited na makita at mamasyal sa Bangkok. Una sa listahan namin ay ang Grand Palace at ang Wat Pho kung saan makikita ang pinakamalaking reclining Buddha sa Thailand.

Dahil malaki ang nagastos namin ni Rose sa taxi, sabi namin na mamamasyal kami ng naka-commute. Mas adventure kaya yun. Isang ordianry bus ang sinakyan namin ni Rose. Wala man itong aircon, hindi naman tulad ng ordinaryong bus natin dito sa Pilipinas. Bukod sa hindi siksikan sa pasahero, malinis din ang bus nila.



Maraming turista ang nadatnan namin sa Grand Palace, may mga European at meron din naman mula sa Asya. Pero dahil may bayad na 500 Baht nagkasundo kami ni Rose na wag na lang tumuloy. Hehehe.


Pagkatapos namin sa Grand Palace ay dumiretso kami sa Wat Pho. Marami pa ding turista. May bayad din dito pero dahil 100 Baht lang, pinasok na namin ni Rose.



Kailangan mong magtanggal ng sapatos pagpasok mo sa templo kung nasan ang Reclining Buddha. Grabe, sobrang namangha ako sa laki nya at sa disenyo ng templo. Sabi nila, ang talampakan daw ng Buddha ay gawa sa Mother of Pearl. Sosyal! 



Nabusog din ang mga mata namin ni Rose sa disenyo ng mga templo at sa dami ng Buddha sa loob ng Wat Pho. Inisip ko tuloy na sa atin sa Pilipinas, ang mga templo at museo tulad nun eh bihira nating puntahang mga Pilipino maging ng mga turista.


Pagkatapos naming mamasyal sa Grand Palace at Wat Pho, medyo nagutom kami. Buti na lang may nakita kaming ale na nagtitinda ng murang thai food sa bangketa kaya ayun bumili kami ni Rose at kumain.


Pagkatapos kumain ay may nadaanan naman kaming parke kung saan may nag-alok sa amin ng mga patuka sa ibon na nakalagay sa supot. Sabi ko kay Rose malamang may bayad pero dahil natuwa siya dahil bigla siya kinuyog ng mga kalapati, nakisali na din ako.


Sinubukan din namin sumakay ng Tuk Tuk, para itong tricycle natin dito sa Pilipinas.

 
Medyo mainit ang klima sa Thailand, parang kapareho lang dito sa Pilipinas. Pero masarap ang mga pagkain nila kahit yung mga nasa bangketa lang.

 
Oras na para bumalik kami sa hostel kasi sobrang pagod na ang mga paa namin. Nung nagtanong-tanong kami kung ano ang pinakamadaling paraan para makauwi, itinuro sa amin na sumakay ng bangka. 

Habang naglalakad kami papunta sa sakayan ng bangka, may nadaanan kaming ale na nagtitinda ng nilagang mais at pritong itolog ng pugo. Ang cute! Siyempre bumili ako. In fairness, masarap!


Hindi naman bago sa amin na sumakay ng bangka pero ang habol namin eh siyempre maexperience ang kultura ng bansang Thailand na pinuntahan namin kaya yun, nagbangka kami.